top of page
Writer's pictureCJ Martinez

Nang magkuwento ang pangarap

BY CJ MARTINEZ


Kadalasan, may apat na elemento ang bumubuo sa isang magandang kuwento. Ang panimula, suliranin o tunggalian, kasukdulan, at ang wakas. Binabanghay ang mga istorya ng tagumpay o pagkalugmok sa iisang ayos at pagkakasunod-sunod.


Hindi nalalayo sa pagbabanghay na ito ang istorya ni Janthrize Mari Andanan o mas kilala sa tawag na “Direk JT”. Gamit ang lente ay hangarin niyang ipakilala ang lingid na larangan at sining ng paggawa ng mga pelikula sa mga kapwa niya kabataan. Hangarin na siyang nagdala sa kaniya sa prestihiyosong Montañosa Film Festival noong taong 2022.


Isang espesyal na pagsasalaysay sa pithaya ng isang mithiin na kumatha rin ng mas marami pang kuwento ng pangarap.


Panimula: Unang tagumpay


Nagsimula ang lahat, hindi noong unang panahon, bagkus ay sa unang pagkakataon.


Taong 2020. Sa loob ng kanilang tahanan sa Bangued, Abra.


Kasagsagan noon ng pandemya at isa ang istorya ni Direk JT sa milyun-milyong sandaling natigil dahil sa luhog ng sitwasyon. Nasa unang taon pa lamang siya noon sa kolehiyo, kumukuha ng Bachelor of Arts in Communication sa University of Baguio. Dahil sa bigat at bagot na dala ng sitwasyon, inamin ni JT na isa rin siya sa mga kabataang kumuwestiyon sa kanilang mga kakayahan at kung may patutunguhan pa sila sa buhay. Ngunit sa parehong sitwasyon din niya nahanap ang balangkas ng buhay na ngayon ay sinusubukan niyang igiya.


“May mga online film contests kasi noon tapos sinubukan kong sumali with my very first short film na “Igid ti Karayan” (Sa Tabing Ilog) at nakuha agad namin iyong third place,” nagagalak na saad ni JT habang inaalala ang kasiyahang naramdaman niya dahil sa tagumpay na iyon.


Ang silent film na “Igid ti Karayan” ay isang short film tungkol sa kalagayan ngayon ng isa sa pinakamahabang ilog sa bansa, ang Abra River. Ito ay may mensahe sa kung paano nga ba dapat pangalagaan ang ating kapaligiran–ang napili ni Direk JT na maging sentro at tema ng kaniyang sining.


Tunggalian: Walang direksyon na ligalig


Tulad ng maraming mga isinusulat na kuwento, ay minsan na ring naubusan ng tinta ang plumang gamit niya–ang ligalig sa tinungo niyang landas ay nanumbalik sa desisyon niyang ipagpatuloy ito.


Napansin ni Direk JT na magmula nang simulan niyang itatag ang Abreatro Produksyon, kombinasyon ng mga salitang Abra at teatro na naglalayong magbigay ng oportunidad sa kapwa niya kabataan sa larangan ng sining, ay pahirapan ang paghikayat sa mga kabataan na lumahok kahit pa man mayroon silang talento sa pag-arte at paglikha ng mga pelikula.


“Bilang isang estudyante ng komunikasyon, gusto kong ibahagi yung mga natututunan ko sa program ko kaya nalungkot ako noong ang konti ng mga youth na nagjo-join. Ibig sabihin kasi non ay less people din yung matutulungan ko to develop their passion for arts,” ani Direk JT nang magkuwento tungkol sa isa sa pinakamahirap na dinanas niya noong nagsisimula pa lamang siya sa industriya.

Kasukdulan: Nang marating ang rurok


Sa pagsusulat ng isang kuwento, mayroong iisang paraan upang makatungtong sa pinakaaabangang katapusan: ipagpatuloy ang nasimulan hanggang matapos ito. Kadalasan, ang pagpapatuloy na ito ang pinakamakabuluhang bahagi ng istorya.


Mula sa lente ng ligalig ay nilikha ang isang buong Abreatro Produksyon. Nakamit din ni Direk JT ang pangarap niyang magbigay ng libreng workshop at acting classes sa mga kabataang lumahok sa kaniyang grupo.


Gamit ang “Whisper of the Wind” na isang maikling pelikulang tumatalakay sa metapora ng kayang gawin ng kalikasan kung patuloy itong pipinsalain, ay narating niya ang rurok ng Baguio City. Kabilang si Direk JT sa labing-isang napili sa kategoryang Mobile Film sa halos 90 na sumubok sa Montañosa Film Festival, isa sa pinakaprestihiyosong pagdiriwang ng talento at sining ng mga independent filmmakers sa rehiyon ng Kordilyera.

“Bitbit ko sa film festival na iyon ang Abra. Parang iniisip ko na it’s our time to shine, at ipakita na ang Abra ay hindi lang basta isang probinsya pero isang lugar na puno ng mga tao who love making their own unique crafts,” pagkukuwento niya sa kaniyang naging inspirasyon sa pagtitipon na iyon.

“Na-realize ko kung gaano na ba kalayo ang narating ko, mula sa pagbuo ng sarili kong films dati, tapos sa pagbuo ng Abreatro, hanggang sa ito nga pagka-recognize sa efforts ng team ko para makapag-produce ng maayos na pelikula at message,” malugod niyang ibinahagi habang nagbabalik-tanaw sa itinuturing niyang isa sa pinakamasayang araw sa kaniyang buhay.


Sa wakas, nagsimula rin


Ang tanging wakas sa isinasalaysay ko ngayong kuwento ay ang katotohanang nasa ikaapat na taon na sa kolehiyo si Direk JT. Sa kasalukuyan, isa siyang intern sa PTV Cordillera at maipagmamalaking nakapag-ambag at nakapaglathala na ng kaniyang mga gawa sa naturang istasyon. Higit isang buwan na lamang, at magmamartsa na siya sa darating na Hunyo.

Mula sa pagtatapos na ito, ay magsisimula pa lamang sa pagrolyo ang mga istoryang kukunan niya gamit ang lenteng saksi sa kaniyang malabong pagsisimula.


Ang balangkas ng kaniyang kuwento ay maituturing na pangkaraniwan–may panimula, tunggalian, kasukdulan, at wakas. Subalit gamit niya sa pagsulat nito ang pluma na ang tinta ay ang hangaring ipahiwatig ang kakayahan ng mga kabataan sa sining at ang kahalagahan ng paggawa ng pelikula sa mga tao.


Sabi nga nila, ang buhay daw ay isang piraso ng malinis na papel at tanging ikaw lamang ang may kakayahang magsulat dito.


Sa ngayon, mismong si Janthrize ay hindi pa rin naman napupuno ang sariling piraso niya ng malinis na papel. Ngunit hindi maikakaila na marami nang espasyo sa papel ng iba ang napunan noong magsimula siyang maging si Direk JT, noong simulan niyang isulat ang tunay na balangkas ng kaniyang istorya gamit ang kaniyang pangarap.




99 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating
bottom of page