BY IRISH BAGUIO
Lumaki akong takot sa dilim, sa mga halimaw na nagtatago dito. Subalit napatunayan kong hindi lahat ng berdugo ay naparirito. Gaya na lamang ng pag-aresto at pagkulong kay Leila De Lima nang walang basehan, ito ay kabulastugang hindi man lang ikinubli. Kung ang malaking personalidad na kagaya niya ay kayang ilagay sa likod ng rehas nang ganoon kadali, paano pa kaya tayong normal na mamamayan lamang?
Kilala ang dating senador na si Leila De Lima bilang tagapagtanggol ng karapatang pantao, tagapagtaguyod ng hustisyang panlipunan, at isa sa mga umungkat ng mga kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao Death Squad (DDS) at extrajudicial killings. Sa mga panahong humarap tayo sa dilim, nabuburang demokrasya at adminnistrasyong siya mismong lumalabag sa ating mga karapatang pantao, nanatili siya bilang lantad na boses ng oposisyon at kritiko. Subalit ito din ang naging dahilan ng kanyang hindi makatarungang pagkakulong. Nananatili pa rin si De Lima sa selda hanggang ngayon.
Sinampahan si De Lima ng mga gawa-gawang kasong may kinalaman sa ilegal na droga na batay lamang sa testimonya ng mga nahatulang kriminal. Dagdag pa dito, maging ang kaniyang personal na buhay ay idinawit sa mga pagdinig ng mga kaso sa paglantad ng kaniyang sinabing “kalaguyo.”
Pagsilip ng Liwanag
Si Leila de Lima ay unang nakulong sa punong-tanggapan ng Philippine National Police (PNP) noong Pebrero 24, 2017 dahil sa mga kasong influence peddling at extortion Pinatunayan lang nito ang kalawang na bumabalot sa sistema ng hustisya't demokrasiya sa bansa. Pinamumunuan tayo ng mga halimaw na sumusupil sa mga bumabalikwas dito. Ang mga naglalakas-loob magsalita ay pinapatahimik. Subalit hindi nagpadaig si De Lima at patuloy na nilabanan ang rehimen kahit pa mula sa loob ng kulungan. Hindi natigil ang kaniyang laban.
Hanggang ngayon, kakampi ang katotohanan at mga pandaigdigang institusyon, patuloy na ipinaglalaban ni De Lima ang kanyang kalayaan habang naglilingkod sa sambayanang Pilipino. Noong Pebrero 2021, siya ay ipinawalang-sala ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 205 sa mga kasong influence peddling at extortion ng convicted drug lord at high-profile New Bilibid Prison (NBP) inmate na si Peter Co.
Nitong Mayo 12 lamang ay ibinasura ng Muntinlupa RTC Branch 204 ang ikalawang kaso ni De Lima kaugnay sa money extortion sa loob ng bilibid. Ito ay matapos bawiin ng pangunahing testigo na si Rafael Ragos, dating chief ng Bureau of Corrections (BuCor), ang kanyang testimonya na sila ni De Lima ay nangikil umano ng pera sa mga preso sa NBP para pondohan ang kanyang pagtakbo sa pagkasenador noong 2016. Nakita ng hukuman na hindi totoong tumanggap si De Lima ng P10 milyon.[a][b] Napatunayan lamang nito kung paano minanipula ng dating rehimeng Duterte ang kaso ni De Lima na nagkulong sa kaniya sa loob ng anim na taon.
Sa pagkaabswelto ni De Lima sa dalawa sa kanyang tatlong kaso, positibo ang kaniyang kampo sa paglaya niya. Unti-unti nang napapatunayan na ang lahat ay ginawa lamang ng estado para gapihin ang boses na sumasalungat sa kanila. Kapag kumontra ka sa sinasabi ng gobyerno, itinuturing ka nang kalaban na dapat itumba. Ngunit ang paglaya ni De Lima ay magsisilbing simbolo ng liwanag sa gitna ng kadiliman. Isang patunay na hindi pagsuko ang sagot sa pagdidiin, kundi paglaban.
Tinatagong Dilim
Ilang araw na lamang ang dapat hintayin ng bawat Pilipino sa paglaya ni De Lima. Malapit nang lumaya ang isa sa mga babaeng pilit binubusalan ng estado. Subalit hindi ito ang unang kaso at maaaring hindi din ito ang huli. Marami sila, kadalasan mga babae na tingin ng iba ay walang lakas na lumaban sa mga pasistang naghaharing-uri sa lipunan. Katulad na lamang ni Maria Ressa, isang mamamahayag na sinampahan din ng patong-patong na kaso ng administrasyong Duterte.
Dagdag pa dito ang mga Indigenous Human Rights Defenders, lalo na sa Kordilyera na madalas isailalim sa ‘di-makatwirang pag-aresto, detensyon at pagkakakulong. Karamihan sa kanila, sa isang punto, ay nared-tag na at nakilala sa mga pinapakalat na leaflet at poster ng mga militar bilang mga rebeldeng komunista.
Makikitang kung sino pa ang mga pumoprotekta sa karapatang pantao ng mga mamamayan ay siyang idinidiin ng estado. Patuloy na inaakusahan bilang mga terorista ang mga aktibistang nilalabanan lamang ang mga inhustisyang kinahaharap ng minorya. Ang gaya ng mga kasong gawa ng estado kina De Lima ay hindi lamang isang pagpapahamak sa pribadong pamumuhay, kung hindi ay isa ring lantarang pagtapak sa mga demokratikong karapatan ng mga indibidwal. Hindi terorismo ang aktibismo.
Kung kaya’t kasabay ng paglaya ni De Lima ay ang mga sigaw. Mga sigaw na mangangalampag sa administrasyon upang wakasan ang pagsampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga human rights defenders. Mga sigaw na muling magpapaalala sa kung paano nagbigay liwanag si De Lima sa mga kabulastugang itinatago ni Duterte noon. Mga sigaw na pipigil sa kung ano mang mga balak ng bagong rehimeng Marcos Jr. Ang sigaw na sa paglaya ng isa sa mga simbolo ng karapatang pantao ay ang paglaya rin ng mga liwanag na itinago sa dilim.
Hindi ako naniniwalang maikukubli ang katotohanan kahit pa pilit itong ikinukulong. Hindi magagapi ang tibay at lakas ng loob ng mga taong ang ipinaglalaban ay nasa katwiran. Tumagal man ng anim na mahahabang taon ay muli nang makalalaya ang katotohanang ipinagkakait sa masa. Dahil ang tunay na takot ay nakikita kapag hindi mo ipinaglaban kung ano ang tama.
Comments