top of page

Sa ngalan ng pagpasa

Writer's picture: Kessha CarreonKessha Carreon

BY KESSHA CARREON


Kung may isang dunong na paulit-ulit na binibigyang-diin sa akin simula narseri, ito ay ang aral na “ang kahusayan sa isang larangan ay makakamit sa maigting na kasanayan.” Kaya naman magmula noon, naitatak na sa akin na ang kakambal ng kagalingan ay etika at responsibilidad.


Gayunpaman, nang umusbong ang Artificial Intelligence (AI), naging mas mahirap para sa akin na manindigan sa prinsipyong pinanghahawakan ko. Mahirap tumanggi sa tukso ng pandaraya lalo na’t napakabilis kong matambakan ng mga gawain, awtput, at requirements na kailangang ipasa sa eskwela.


Prinsipyo ang nakasalalay sa pagsubok ng AI, ngunit handa akong itaya ito kung magpapatuloy ang ganitong uri ng edukasyon na pinapairal sa Unibersidad ng Pilipinas Baguio—pagkatuto na nakadepende sa mga awtput—na para bang ang mga papel, sanaysay, o proyektong ipinapasa ay ang tanging sukatan upang mataya ang talas ng isang mag-aaral.


Hindi naman maikakaila na malaki ang benepisyong dala ng AI. Malaki ang ambag nito sa mabilis na pagtatama ng baybay, gramatika, at organisasyon ng mga salita. Maaari rin itong gamitin upang mapabilis ang pagtatahi ng mga ideyang kaugnay sa paksa at isyung inaaral.


Ngunit sa pag-unlad ng panahon, umusbong rin nang malakihan ang AI. Sa ngayon, ginagamit na ito sa malalang paraan ng pandaraya at maging pagnanakaw ng mga orihinal na likha o gawa. Nariyan ang maling paggamit ng datos, pag-angkin sa mga pahayag ng iba, at pagnanakaw-akda sa iba’t ibang artikulo sa ngalan ng pagpasa.

Hindi naman sana hahantong sa ganitong sitwasyon ang edukasyon na mayroon tayo. Lalo na kung ang pagtatasa sa mga mag-aaral ay hindi lamang nakatuon sa pag-grado ng gabundok na awtput bagkus ay nagdidiin sa makabayan, siyentipiko, at makamasang edukasyon.

Tunay na malaki ang papel ng teknolohiya sa paghubog ng ating henerasyon. Nagbukas ito ng maraming pintuan para sa ating paglago, ngunit hindi rin dapat ito ang maging hadlang upang malimitahan ang ating kakayahan at kasanayan sa ating akademikong pag-aaral. Dahil sa kabila ng benepisyo na dulot ng AI, marapat na isaalang-alang ng isang iskolar ng bayan ang kahalagahan ng etika, responsibilidad, at karangalan—mga sangkap na pinaiiral upang maisabuhay ang “dangal at husay.”


57 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

The Valor UPB

Safeguards the Truth, Champions the Youth 

bottom of page