BY JEZRAEL TAGAPULOT
Pinaalalahanan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mga motorista na sumunod at panatilihin ang disiplina sa daan; matapos ito ng sunod-sunod na aksidenteng naitala sa lungsod nang magsimula ang tag-ulan.
Nito lamang May 30, isang motorista ang sumemplang sa overpass malapit sa University of Cordilleras, Gov. Pack Road dahil sa madulas ang daan. Nagtamo rin ang biktima ng mga galos at mga pasa sa kamay at paa.
Sa ngayon, 33 na ang naitalang insidente na may kinalaman sa malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng pagpasok ng Bagyong Betty sa Baguio City.
Ayon kay Magalong, kilala ang Baguio City sa pagkakaroon ng Traffic Discipline Zone, kaya marapat na sundin ng drayber, mapa-pribado o pampubliko, ang mga patakarang ito upang mapanatili ang kaligtasan sa kalsada.
"Let us always keep in mind that as drivers, we have responsibility not only to our passengers but also to the pedestrians. Let us uphold discipline at all times," saad ni Magalong.
Dagdag pa ng alkalde, bukod sa maingat na pagmamaneho, tungkulin rin ng mga drayber na isa-alang-alang ang kapakanan ng mga tumatawid.
Binigyang-diin din ni Magalong ang kahalagahan ng kontribusyon ng mga drayber sa ekonomiya ng Baguio.
"We value our drivers and their contributions to our economy and to maintaining public order and safety in our city," aniya.
Upang maiwasan ang aksidente sa daan, nagsagawa ng hazard removing operation ang Baguio City kung saan tinanggal ang mga nakahamblang sanga at poste sa mga daan upang mapanatili ang kaligtasan ng mga nagmamaneho at pasahero.
Comments