Mula noong panahon ng mga kastila, hindi na mahihiwalay ang pag-aaklas at pakikibaka ng masa sa ating mga Pilipino. Matatandaang rebolusyon ang nagpatalsik sa mga dayuhang mananakop sa bansa, mga progresibong pagkilos sa iba't ibang paraan katulad ng pakikibaka sa lansangan, pagsulat sa mga pahayagan, at maging sa pag-organisa sa malawak na hanay ng masa. Iisa lamang ang layunin ng mga nabanggit: ang mapalaya ang bayang sinilangan mula sa mapanlupig, at maibangon ito sa talisod na nakuha sa mga labang kinaharap kahapon. Gayunpaman, talamak pa rin ang intimidasyon mula sa estado, patuloy pa ring nireredtag ang mga progresibong mga grupo at indibidwal na itinutuloy ang labang sinimulan ni Andres Bonifacio.
Mula noon, hanggang sa kasalukuyan, buhay pa rin ang diwa ng aktibismo sa bansa. Lalong ramdam ito sa mga iskolar ng bayan na progresibong kumikilos para kumawala sa hawla ng imperyalismo, pyudalismo at burukata-kapitalismo. Isinasapraktika ng mga isko ang kanilang mga natutuhan sa mga libro upang makibahagi sa lipunan at lalong maunawaan ang masamang dulot ng patuloy na pamamasismo sa bansa. Ngunit, sa kabila nito ay tila ba kahit pilit tayong bumabagwis nang malaya ay tinatali pa rin ng estado ang ating mga paa upang hindi makalipad nang matayog.
Pinapasista ang bawat pagkilos at ginagamitan ng kapangyarihang pang-estado ang mga progresibong iskolar ng bayan na lumalaban upang sila’y tiktikan at manmanan. Makakamtan ba natin ang kalayaan sa pag-aaklas o patuloy lamang tayong matatakot sa mga banta ng red-tagging katulad ng Dumanun Makitungtong?
Sa kabila ng pakikibakang nakasandig sa masa ay tila hindi tumitigil ang estado sa pamamamista sa mga gawain ng mga aktibista. Patuloy pa rin ang pagmamanman at paniniktik sa mga nais ng mareporma sa bayan. Seguridad at kaligtasan ang nakasalalay, marami na rin ang buhay na nawala, mga taong hindi na nakita at mga panawagang hindi nadinig.
Isang malinaw na halimbawa sa banta ng estado ay ang proyekto sa rehiyon ng Cordillera na Dumanun Makitungtong. Ito ay may literal na pagsasalin mula sa salitang Ilokano na “puntahan at makipag-usap.” Pangunahing layunin ng estratehiyang ito ay ang puntahan at kausapin ang mga pinagbibintangang miyembro ng Communist Front Organizations (CRO) upang kumbinshin na huwag sumuporta at sumapi sa CPP-NDF-NPA sa rehiyon.
Gayunpaman, nagiging daan ang proyektong katulad nito upang manredtag ng mga aktibista na hindi naman kasapi sa mga CRO. Bukod pa riyan, talamak din ang intidimidasyon mula sa pwersa ng mga estado. Mental at emosyonal na pasanin ang naidudulot nito sa kanilang mga nakakausap.
Humigit kumulang 50 na indibidwal at 12 lehitimong mga organisasyon ang naredtag na sa pamantasan at may anim na mag-aaral ang University of the Philippines Baguio na naging biktma ng Dumanun Makitungtong. Bagamat hindi na bago ang stereotipo sa mga mag-aaral ng UP na bahagi ng mga progresibong mga grupo, tila ba hindi pa rin natutuldukan ang ganitong pagtingin. Lalo lamang itong pinaiigting ng mga proyektong katulad ng Dumanon Makitungtong. Bilang mga iskolar ng bayan, hindi dapat makulong sa libro ang mga natutuhan sa loob ng pamantasan dahil ang tunay na laban ay nasa labas nito.
Hindi kailanman mali ang magtungo sa lansangan upang ipaglaban ang mga bagay na sa tingin natin ay tama. Hindi kailan man nagdudulot ng panganib ang mga placards na ginagamit sa mga mobilization rallies, at hindi kailanman nakakasakit ang pagsigaw ng mga panawagan. Mas nakakasakit pa nga ang hindi pagdinig sa mga ito. Hindi magkakaroon ng mga panawagan kung natutugunan ang mga pangangailan ng lipunan, walang hahanay sa lansangan kung tama ang pamamalakad ng pamahalaan, at walang sisigaw sa mga rally kung hindi binubusalan at inaalisan ng boses ang iilan.
Sa lipunang hindi patas, hindi kailanman mali ang umaklas. Rebolusyon ni Bonifacio ang labang ipinagpapatuloy ng mga aktibista —hindi ito makasarili, para ito sa nakararami. Gayunpaman, sa kabila ng mga bantang pansiguradad katulad ng Dumanun Makitungtong ay hindi natitinag ang mga tibak. Hangga’t mayroong pamamasismo, pang-aabuso, pananamantala at mga boses na hindi napakikinggan, may tatao at tatao sa lansangan na titindig at walang takot na sisigaw sa ngalan ng masa at ng bayang sinilangan.
Hindi takot ang dadalaw at walang kaduwagan ang salaysay sa mga kwento ng masang api.
Sino ang dapat dumalaw, at ano ang dapat isalaysay? Malinaw na hindi takot ang dapat kumakatok, at walang kaduwagan ang magsasalaysay sa mga kwento ng masang api.
Opmerkingen