Ang bawat pawis at tiyaga na ibinuhos ng mga manlalaro, kasabay ng mga hiyawan ng manonood na sumusuporta sa kani-kanilang mga kolehiyo, kalakip ng pagod, pagkalugmok at tagumpay na nakita sa mga taong kasama sa Oblation Cup 2023. Tila may kabilang mukha ang kanilang mga kwento. Lingid ito sa kaalaman ng mga madla at mga kwentong hindi makikita sa mga patimpalak, ngunit patuloy pa ring ipinapanalo.
Buwang preparasyon ang iginugol ng University Student Council (USC) Sports Desk Committee upang paghandaan ang Oblation Cup 2023. Ayon kay Bryll Andrada, Sports Desk Councilor, nagsagawa ang kumite ng intramurals dahil hindi pinayagan ng pamunuan ng Unibersidad ng Pilipinas Baguio at ng Human Kinetics Program na magkaroon ng tryouts ang iba't ibang palakasan dahil sa pagpapaliban ng Baguio-Benguet Educational Athletic League (BBEAL) ngayong taon, kalakip nito ang kakulangan sa pondo para sa mga kagamitan at coaching staffs. Wari bang isang maskarang nagkukubli sa isang kahindik-hindik na mukha ang dahilan kung bakit nagsagawa ng Oblation Cup 2023.
Ngunit, kahit pa man walang BBEAL ngayong taon, ang pagbuo ng mga teams sa bawat isports ay kailangan ng bawat atleta dahil makatutulong ito para sa paghahanda sa susunod na taon. Ang preparasyon at pagpapalakas ay normal sa kahit anong larangan ng isports. Kung kaya’t hindi makatwiran na dahil walang BBEAL ngayong taon, hindi pinagtutuunan ng pansin ang paghahanda ng bawat atleta.
Nakapanlulumong isipin na sa kabila ng kakulangan sa pondo, wala pa ring alternatibong paraan na ginagawa ang admin upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga atleta. Bukod pa rito, marami ring mga kagamitan sa Himnasyo Amianan upang makatulong sana sa pagpapalakas ng mga atleta. Kaya kung titingnan, hindi kakulangan sa gamit ang problema kundi suporta mula sa pamunuan ng pamantasan, at ng kaninlang kapasiyahan nilang tumulong sa programa para sa mga atleta.
Hindi rin sigurado ang Sports Desk Committee kung nakakuha sila nq sapat na suporta mula sa administrasyon. Gayunpaman, bagamat hindi maitatanggi na malaki ang naging tulong ng HKP dahil sila ang nagsilbing tournament manager, hindi pa rin sapat ang budget na inilaan ng pamunuan para sa turneyo, at ang ibigay lamang nila ay badyet sa sound system para sa opening at closing programs.
Nakakadismayang isipin na sa dinami-rami ng mga kailangan para sa pag-oorganisa ng isang patimpalak-pampalakasan —nariyan ang bayad sa coaches, mga medalya’t tropeya, tubig, emergency response team, at iba pa, ang pondong binigay ay nakalaan lamang para sa sound system. Dapat nilang matandaan na hindi seminar ang kanilang inoorganisa, ngunit isang patimpalak-pampalakasan. Ang pambabarat na ito ay manipestasyon lamang ng panggigipit sa mga programang nakasentro sa kaestudyantehan.
Samantala, ang kakulangan naman sa pondo ay ginawan ng paraanng USC. Ayon kay Andrada, kinuha ang ibang pondo mula sa registration fee na nagkakahalaga ng 20 pesos kada tao at ang iba nama’y hiningi nila sa merchandaan ng USC. May mga on-process rin na reimbursement para sa official fees.
Pinapanawagan ni Andrada ang pantay-pantay na pagpapahalaga sa lahat ng papel na dumadaan sa administrasyon, “siguro yung sense of urgency dapat same for all, kasi hindi pwedeng selective lang sila when it comes to providing their service to the school,” dagdag pa niya.
Hindi maitatangging kapuri-puri ang naging tugon ng USC sa mga problemang kinaharap sa pag-oorganisa ng Oblation Cup. Hindi naging hadlang ang limitadong badyet upang matagumpay na maisulong ito. Ngunit, hindi din natin maitatanggi ang katotohanang hindi naging makamasa at naging barat ang admin sa nagdaang patimpalak.
Sa kabila ng saya, hiyawan at alaalang iniwan ng Oblation Cup, hindi maikakaila na may mga kabilang mukha ang bola na hindi nakikita ng madla — ang kakulangan ng suporta ng administrasyon sa mga atleta, lalo sa usaping pinansyal. Para sa pagsulong ng panawagan ng bawat atleta, dapat patuloy nating kalampagin ang komportableng upuan ng UPB admin. Hindi dapat isabalikat ng kaestudyantihan ang gastos sa nagdaang programa, kung kaya’t dapat patuloy tayong managawagan sa maayos na pag-popondo sa mga ganitong programa. Dapat lang na isulong ang karapatan ng bawat atleta para sa maayos na pagpapatakbo ng mga programang pampalakasan. Sa huli, hindi lang sa apat na sulok ng silid aralan nahahasa ang pagkatuto. Ang maayos na suporta sa kahit anong larangan ay karapatan ng bawat mag-aaral sa loob ng pamantasan.
Comments